Ang biyahe mula sa aking bahay patungo sa Pamantasang De La Salle ay kumakain ng maraming oras. Sa 45 hanggang 60 minutong biyahe ko ay marami na sana akong nagawa; nakapag-aral, nakapagbasa, nakapagdasal, at nakapagsulat na sana ako. Madalas nga'y naiisip kong mas mabuti kung nakatira ako sa isang paupahan malapit sa DLSU tulad ng iba kong kaklase. Hindi nila iniinda ang pagod na aking dinaranas tuwing nakatayo't nag-aantay ng sasakyang dyip. Hindi nila nararanasang makipag-unahan para lamang makahanap ng magandanang puwesto sa bus. Hindi sila nangangamba sa mga masasamang loob na maaaring mang-holdap habang pikit ang iyong mga mata dahil sa pagod na dinaranas.
Gayunpaman, tuwing ako'y nasa dyip at bus, naiisip kong tunay akong masuwerte. Ang hirap na aking dinaranas dahil sa pagtungo sa paaralan ay maiituturi pa ngang pribilehiyo kung ikukumpara ito sa pinagdaraanan ng mga bata sa kalye.
Upang ako'y makauwi sa bahay mula sa DLSU, sumasakay muna ako ng dyip na tutungo sa sakayan ng bus sa Pedro Gil. Madalas, tuwing titigil ang dyip, may mga taong kalye na sasampa sa dyip sa kabila ng pagpipigil ng drayber. Pupunasan nila ang paa naming mga pasahero at tsaka manlilimos. Hindi ko magawang tingnan ang mga taong ito; inilalayo ko ang aking tingin sa kanila. Ito'y hindi dahil sa pandidiri o sa pagkamuhi; ito'y dahil sa pagkaawa.
Kung minsa'y nakadarama ako ng pagkainis sa aking sarili dahil hindi ko sila magawang bigyan ng limos sa takot na dumami pa silang hihingi sa akin. [Hindi niyo rin ako masisisi dahil nagkaroon na ako ng masamang eksperyensya sa mga batang kalye noon.] Ngunit mas masidhi ang aking pagkapuot dahil wala man lamang akong magawa upang tulungan sila. Bigyan ko man sila ng limos, panandalian lamang itong sagot sa gutom na kanilang dinadanas.
Ano nga ba ang ating magagawa upang tulungan sila?
Marahil ay sasabihin nating kagagawan din nila kung bakit sila nalalagay sa kung saan man sila ngayon. Sila'y pulubi dahil hindi sila nagsisikap na maghanap ng marangal na mapagkakakitaan. Ngunit sino ba ang tatanggap sa kanila kung ganoon ang kanilang kalagayan? Kung gunit-gunit ang kanilang damit at madungis ang kanilang mukha, may handa bang kumuha sa kanila bilang mga trabahador? Sa aking palagay, obligasyon nating mas nakagiginhawa sa buhay na tulungan silang makahaahon mula sa kanilang kinasasadlakan. Ngunit... paano? Paano natin sila matutulungan?
No comments:
Post a Comment